Kung sa palagay mo ang pagbaba sa trono ni Emperador Akihito ay isang karaniwang bagay lamang sa Japan, nagkakamali ka. Narito ang mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa pagbibitiw niya sa pwesto at pag-akyat naman sa trono ng kanyang anak na si Crown Prince (KÅtaishi) Naruhito.
Lahat ay nasasabik, namumukadkad na ang Cherry Blossoms at ang Japan ay naghahanda na sa isang mahaba at napakalaking pagdiriwang. Ang panahon ng tagsibol ay hudyat para sa isang mahabang bakasyon na tinatawag na Golden Week, nagsisimula ito sa huling linggo ng Abril hanggang unang linggo ng Mayo. Ang Golden Week ay karaniwang tumatagal nang apat hanggang limang araw. Pero ngayong taon, ang lahat ay makakaranas ng mahabang bakasyon na tatagal ng sampung araw mula Abril 27 hanggang Mayo 6.
Ang dahilan? Ang kasalukuyang monarkiya ng Japan, si Emperador Akihito, ay bababa sa kanyang trono at ang Mayo 1 ay itinakda bilang isang malaking selebrasyon sa pag-akyat naman sa trono ng kanyang anak na si Crown Prince Naruhito. Ito ay isang naiibang pagkakataon dahil ayon sa batas ng Japan, ang isang emperador ay dapat manatili sa kanyang pwesto hanggang kanyang kamatayan. Subalit, noong 2016, nagdesisyon si Emperador Akihito na hilingin sa gobyerno na siya ay hayaan nang magbitiw, at sa nakakagulat na desisyon ay pumayag ang mga mambabatas.
Inabot ng dalawang taon ang pagpaplano, sa wakas, ngayong Mayo 1, 2019 ay masasaksihan na ang panibagong panahon o era ng "Reiwa." Sa opisyal na pahayag noong April 1, 2019, ang bagong pangalan ng era na ito ay magsisimula sa araw mismo ng pagluklok sa trono ni Naruhito, na siyang hudyat naman ng paghahari ng bagong monarkiya at bagong panahon sa kasaysayan ng Japan.
Sa pagbibitiw ng kasalukuyang Emperador ay kaakibat ang mga seryoso at masinsin na mga kaganapan. Marami ang inaasahang mangyayari sa mga susunod na araw, linggo, at buwan. Narito ang ilan sa mga mapamukaw na paglilinaw sa hinaharap natin na bagong kasaysayan.
1. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbatiw ang isang Emperador.
Ang isang emperador ay hindi talaga pinapayagan na magbitiw, subalit dahil sa isang bagong patakaran na ipinatupad noong Meiji Era (1868-1912) na napapaloob sa bagong konstitusyon noong 1889 kung saan nasasaad na ang isang emperador ay dapat maghari hanggang kamatayan at pinanatili ang patakaran na ito noong ipatupad ang panibagong konstitusyon noong 1947 matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang hanay ng tagapagmana ng kasalukuyang imperyo ay may tagal na 2,600 na taon, at karamihan sa mga emperador noong mga panahon na iyon ay kusang nagbitiw sa kanilang pwesto habang sila ay buhay pa. Ang huling emperador na nagbitiw ay si Emperador Kokaku, ang ika-199 na emperador ng Japan, na bumaba sa trono noong 1817. Si Akihito ay ika-apat lamang sa mga naghari mula noong panahon ni Kokaku.Si Emperador Akihito ay edad 85 na ngayon. Sa panahon ng kanyang paghahari ay nagkaroon siya ng prostate cancer at heart bypass surgery. Bagama't ang kanyang mga tungkulin ngayon ay ilan lamang, inaasahan pa rin siya na dumalo sa mga mahahalagang pagpupulong or pagdiriwang, at ang mga gawain na ito ang unti-unting nagpapahina sa kanyang kalusugan. Noong una ay ikinagulat ng mamamayan ang desisyon ni Akihito na magbitiw, pero hindi mo rin naman siya masisisi kung nais na niyang magpahinga at ilaan ang kanyang mga huling sandali na malayo sa pansin ng madla.
2. Ang bagong Emperador ay mayroon lamang tatlong tagapagmana.
Ang nakakabatang kapatid ni Naruhito na si Prince Akishino, ang labindalawang taong gulang na anak ni Akishino na si Prince Hisahito, at ang 83 taong gulang na kapatid ni Emperador Akihito; ay tatlo lamang na natitira sa pamilya ng imperyo na maaaring magmana ng trono. Bakit kaunti lang? Malaki ang Imperial Family noon, pero nagbago ito noong 1945. Matapos na sumuko ng mga Hapon noong WWII, inalis ng mga Amerikano ang karamihan sa mga kapangyarihan ng Emperador at binawasan ang bilang ng mga dugong bughaw. Ang mga sangay ng malalayong kamaganak ng Imperial Family na noon ay kinikilla bilang mga "maharlika" ay ibinaba sa antas ng karaniwang mamamayan.Halos maubos lalo ang linya ng mga tagapagmana dahil sa kautusan na sino mang maharlika na mag-aasawa nang hindi miyembro ng Imperial Family ay tatanggalan ng titulong maharlika, na naging dahilan upang ang kanilang mga anak na lalaki ay hindi maaaring magmana ng trono. Dahil masyado nang maliit ang bilang ng maharlikang pamilya, pinili na lang ng karamihan na mag-asawa ng hindi miyembro ng maharlikang pamilya dahil wala naman sila masyado pamimilian. Mismong ang bagong Emperador na si Naruhito ay walang anak na lalaki, hindi naman katanggap-tangap sa isang emperador na magkaroon ng isa pang asawa tulad ng mga naganap noong ibang panahon. Dahil dito, ang bilang ng mga tagapagmana na maaari lamang pamilian ay umabot na sa pinakamaliit sa kasaysayan ng Japan at mukhang hindi na ito makakabawi pa sa hinaharap.
Maiiwasan sana ang problema na ito kung ang mga babae sa pamilya ay isasama sa linya ng tagapagmana, subalit...
3. Ang mga babae ay hindi pinapayagan na maupo sa trono.
Sa isang monarkiya na nananatiling buhay sa loob ng mahigit dalawang libong taon, walong babae na ang naupo sa trono sa buong kasaysayan (siyam kung isasama sa bilang ang maalamat na si Emperatris Jingu, na hanggang ngayon ay pinagtatalunan kung tunay). Ang kauna-unahan ay si Emperatris Suiko, na nagpalaganap ng Budismo sa buong bansa. Si Emperatris Go-Sakuramachi, na nagreyna noong 1762-1771 ang pinakahuli. Kahit pagkatapos niya bumaba sa trono, ay nagsilbi pa rin siya bilang tagapangalaga at tagapayo sa mga sumunod na namuno. Matapos ay ipinatupad sa konstitusyon ng Meiji ang pagbabawal sa mga babae na mamuno.
Sa mga nagdaang dekada, may ilang mga politiko ang nagbukas ng argumento upang payagan ang parehong lalake at babae na pumalit sa trono at mamuno, maraming debate ang nagdaan tungkol dito pero hindi nagkaroon ng konkretong resolusyon ang gobyerno tungkol dito. Ang tanging maituturing lamang na pag-usad tungkol sa usapin ay noong magkaroon ng isang resolution na inihain upang himukin ang gobyerno na payagan ang mga babaeng miyembro ng Imperial Family na mapanatili ang kanilang pagiging maharlika kahit magpakasal sa hindi maharlika. Naghain din sila ng iba pang panukala na may layuning mapalawak ang linya ng mga tagapagmana, subalit walang nakatakdang palugit upang matapos ang usapin.
Ang kasalukuyang gobyerno ay tila hindi gaanong nagbibigay ng atensyon sa usapin na ito sa ngayon kung kaya't pinangangambahan na darating ang araw na walang maiiwan na tagapagmana ang monarkiya. Hangga't hindi isinasama ang mga babae sa linya ng tagapagmana, ang monarkiya ngayon ay maaaring maglaho sa Japan sa mga susunod na dekada.
4. Ang pagpapalit ng pangalan ng era ay direktang makakaapekto sa pamumuhay ng mamamayan.
Ang April 1, 2019 ay eksaktong isang buwan bago opisyal na umangat sa trono si Naruhito bilang emperador. Ang pangalan ng bagong era ay "Reiwa," na magsisimula mismo sa araw ng kanyang pagluklok. Ito ay inihayag noong Abril 1, 2019 ng Chief Cabinet Secretary na si Yoshihide Suga sa isang pagpupulong sa Tokyo na napanood ng lahat sa telebisyon. Ang salitang "Reiwa" ay nagmula sa Manyoshu ("Collection of Ten Thousand Leaves"), ang pinakamatandang antolohiya ng tula sa Japan.
Ang pangalan ng mga era (gengo sa Hapon) ay itinatalaga ng kasalukuyang namumunong emperador ng makabagong panahon. Ang isang era ay nagsisimula sa mismong sandali ng pagluklok ng isang emperador at natatapos sa kanyang pagkamatay (o sa pagkakataon na ito, sa pagbibitiw). Ang kasalukuyang era, na nagsimula noong Enero 8, 1989, ang araw na naluklok si Emperador Akihito - ay tinatawag na Heisei, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan saan man dako." Nangangahulugan na ang Japan ay napapaloob sa naiibang panahon - ang taong 2019 ay kilala sa Japan bilang "Heisei 31." Ang bagong pangalan ng era ay may mahalagang epekto sa buhay ng mga tao, dahil ang petsa ng kapanganakan, palugit, at iba pang mahahalagang petsa ay maaapektuhan.
Imbis na ipangalan mismo sa emperador ang pangalan ng era, ang pangalan ng era ay iginagawad matapos ang pagpanaw ng emperador. Si Emperador Akihito ay tatawagin lamang na Emperedor Heisei matapos siyang pumanaw. Mula sa araw ng pagluklok kay Naruhito, si Akihito ay tatawaging Emperador Emeritus.
5. Ang aktwal na pagluklok ng bagong emperador ay karaniwang inaabot ng maraming buwan.
Si Emperador Akihito ay opisyal na bababa sa pwesto sa Abril 30, 2019 - sa mismong kasunod na araw ang kanyang anak naman ang magiging emperador at hudyat na ito ng panibagong era. Samantala, ang mga pagdiriwang at ibang kaganapan ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng taon. Ang seremonya ng pagluklok sa Mayo 1 ay kinabibilangan ng kauna-unahang pulong ng bagong Emperador sa mga pinuno ng gobyerno at isang ritwal kung saan ay kanyang mamanahin ang sagradong espada at mga hiyas, ang selyo ng imperyo, at ang sagisag ng bansa. Ang aktwal na koronasyon ay nakatakdang maganap naman sa Oktubre 22, 2019. Sa araw na ito magsisimula ang tunay na mga kasiyahan - kasama sa pagdiriwang ang parada sa Imperial Palace at apat na magkakahiwalay na salosalo kasama ang mga bisitang pandangal mula sa iba't ibang bansa. Tila magarbo ang selebrasyon, pero ang totoo, ang pagdiriwang ni Naruhito ay mas pinaliit at pinasimple kumpara sa pagdiriwang ni Akihito nung siya ay maluklok sa trono noong 1989 na tinuligsa ng maraming tao dahil sa sobra-sobrang gastos. Upang makatipid, at dahil na rin sa humihinang kalusugan ni Akihito, ang pagdiriwang ni Naruhito ay magiging matipid.
Gayunpaman, may dahilan pa rin ang mga tao upang makipagdiwang - tutal, isa itong mahabang bakasyon para sa lahat.
Original Post: 5 Things You Didn’t Know About the Emperor’s Abdication
Photo Credit: Day and Night News
Kenshin Hako Cargo Services
Balikbayan Box | Japan to Philippines
Door-To-Door Delivery Service
Mabilis! Maaasahan! Mapagkakatiwalaan!
Contact Details
Website
Messenger
Youtube
Viber
Comments
Post a Comment